Tatay kong OFW, bayani ng buhay ko.
Apat na taon ako nang iwan kami ng tatay ko. Hinding hindi siya sumakabilang-bahay o kung ano pa man. Umalis siya dahil sa paniniwalang mabibigyan niya kami ng magandang buhay. Na kailangan niyang mapalayo saglit para sa kinabukasan ng pamilya. Na kailangan niyang magsakripisyo sa dayuhang bayan para maitaguyod kami. Oo, nangibang-bansa siya. Kasi ang tatay ko, isang overseas Filipino worker.
Noong bata ako minsan akong napaniwala sa ideyang kapag nagtatrabaho ang magulang mo sa ibang bansa eh mayaman kayo. Sunod sa luho. Kapag gusto mo ng bag na de hatak o kaya naman eh yung may malaking orasang nakadikit sa likod, pwedeng-pwede kang magkaroon. Kapag gusto mo ng Playstation o Barbie doll na original, madali kang maibibili. At kapag kailangan mo ng kahit ano, di mo kailangang mag-worry. Pero di pala sa lahat ng OFW family eh ganun. Meron din palang iba na todo higpit din sa sinturon, kahit na mukhang meron.
Sabi ni Mama, laborer ang job title ni Papa sa pinagtatrabahuhan niyang park sa Saudi. Di ko maintindihan masyado kung bakit sa mga form na kailangang fill out-an noon eh yun ang nilalagay namin at hindi OFW. Basta sabi niya, baka raw sabihing mayaman kami kapag nilagay namin sa Occupation ni Papa eh OFW. Eh hindi naman kami mayaman.
Wala ni isa sa aming tatlong magkakapatid ang nakatuntong sa private school. Lahat kami, ever since kindergarten, laking public school. Di kakayanin ng ipinapadalang pera ni Papa na ipasok kami sa private. Di na rin kami naghangad. Kasi ang sabi ni Mama wala rin naman daw ipinagkaiba. Yun nga lang, yung mga batang nag-aaral sa private school sa bayan, hatid-sundo ng tricycle. Kami naman eh saping Rambo sa paa ang kasama papasok sa eskwela.
Di rin kami binusog sa mga laruan ng tatay namin. Sa tuwing magpapa-package siya noon, karamihan ng laman ng kahong padala niya eh yung mga naipalit niya sa mga naipon niyang aluminum na lata ng soft drinks — mga relo, t-shirts, bags, at mangilan-ngilang pang-display sa bahay. Kasama na rin dun yung ilang nabili niya nang paunti-unti kada may natitira sa sinahod niya. Kung meron mang laruan na binili si Papa para sa amin, di rin naman namin halos napaglaruan. Itinabi lang kasi ni Mama para raw tumagal ang buhay. Ang totoo, yung tren kong de baterya hanggang ngayon mukhang bago pa, di nga lang ako sigurado kung gumagana pa.
Napalitan ang TV naming black and white ng “colored” nang nasa Grade 3 na ako. Natatandaan ko pa ang bilin ni Papa: Di pwedeng manood ng TV kapag school days pero pwede pag Sabado at Linggo. Baka raw kasi mahilig kami masyado sa TV at di na ganahang gumawa ng assignments at mag-aral. Kaya naman para mapagbigyan kami, kailangang tapos na lahat ng assignments bago humarap sa paborito naming palabas.
Mahilig ding kumanta ang tatay ko. Ayon nga kay Mama, frustrated singer raw kasi. Kung meron man akong masasabi na earliest memories ko, yun eh yung pinapatuntong niya ako sa mataas na upuan at pinapakanta, para raw abot ko yung birit part. Kaming tatlong magkakapatid, napilitan tuloy na matutong kumanta. Gusto niya kasi laging may kasamang kanta namin yung voice tape na ipapadala sa kanya.
Sa dalawampu’t isang taon na di halos namin nakasama si Papa, pakiramdam ko sanay na kami. Kapag may mahahalagang okasyon, madalas wala ang presensya niya, physically. Pero kailanman ay di siya nakalimot bumati tuwing isa sa amin ay nag-se-celebrate ng birthday, recognition man o graduation. Alam ko, milya-milya man ang layo niya sa amin, kami ang laging nasa isip ng aking ama.
Tatanungin mo ‘ko kung anong pakiramdam ng isang anak ng OFW? Malungkot? Hindi naman. Ang sagot ko: parang laging may kulang. Noong bata ako, di ko ‘to masyadong ramdam. Para sa akin, ganun talaga, wala akong magagawa. Pero nang tumuntong ako ng kolehiyo, doon ko naisip na ang bilis ng panahon, parang kailan lang nung batang paslit pa ‘ko at dahan-dahang nabubuo ang pagkatao. Naisip kong sana nakasama namin si Papa sa mga panahong ‘yun. Na napagsabihan niya sana kami sa tuwing nagiging salbahe kami at sumasagot nang pabalang. Na napilit niya sana kaming kumain ng gulay sa halip na puro pritong pagkain. Na na-encourage niya sana kami kapag di mataas ang nakuha naming score sa test. Na napatahan niya sana kami sa tuwing uuwi kaming umiiyak dahil nadapa kami. Na naandun sana siya sa bawa’t pagkakataong tumatanggap kami ng awards at siya mismong nagsasabit sa amin ng medals, katuwang ni Mama.
Minsan noong bata pa ako, nasabi ko kay Papa na sana ang pera parang bato na lang, andiyan lang sa kalsada at kapag kailangan mo ay pupulot ka na lang. Sagot niya sa akin mali raw ‘yun. Kasi kung ganun lang kadali makakuha ng pera, ang tao raw ay di na magsisikap sa buhay. Ang malinis na pera raw ay pinaghihirapan.
Sa kanya ko natutunan ang pagpapahalaga sa kung anong meron ka, di man ito bag na may malaking orasan sa likod o de hatak; dahil ang bawa’t bagay na naibigay niya sa amin ay mula sa pagsusumikap niya.
Dahil sa wala akong Barbie doll, natuto akong gumuhit ng sarili kong paper dolls na siya ring nakahikayat sa akin sa arts.
Di man ako private school-educated nakatanim naman sa utak ko na kung kaya ng iba ay kaya ko rin; wala ‘yan sa pinanggalingan mong paaralan.
Sinanay kami na sa bawa’t achievement, di kailangang laging may reward na laruan; ang mahalaga ay kung ano ang natutunan mo.
Nagpapasalamat ako nang lubos dahil nabigyan kami ng pagkakataong makapag-aral at makatapos, na siya namang naipagkait sa mga magulang ko.
Ang musikang ipinamulat sa akin batid kong dadalhin ko hanggang sa pagtanda, siyang magpapasaya sa akin sa tuwi-tuwina.
Ang lahat ng ‘to, dahil sa tatay ko, isang OFW — ang tinaguriang bagong bayani ng bayan — pero siyang tunay na bayani ng buhay ko.
KABAYAN, I-SHARE MO KUNG NAGUSTUHAN MO ANG KWENTO